--Ads--

Sinunog ng Philippine Drug Enforcement Agency–Regional Office at ng mga pulis mula sa Police Regional Office Cordillera ang humigit-kumulang 82.48 kilo ng ilegal na droga sa Camp Major Bado Dangwa, La Trinidad, Benguet kahapon.

Ayon kay Martin R. Francia, Regional Director ng PDEA-CAR, ang mga pinatuyong dahon ng marijuana na sinunog ay nagmula sa isang kaso na nagkakahalaga ng humigit-kumulang PhP9.89milyon.

Sinabi ni Regional Director Francia na nasabat ang mga ito sa isang checkpoint na ipinatupad noong Oktubre 2025 sa Barangay Poblacion, Kibungan, Benguet.

Ayon sa imbestigador, nagsasagawa ang mga awtoridad ng checkpoint sa harap ng police station nang huminto ang isang sasakyan sa layong 100 metro mula sa checkpoint area.

Agad na tumakas ang pasahero at driver ng sasakyan nang papalapit na ang mga awtoridad.

Narekober sa loob ng sasakyan ang 86 tubular forms at apat na sako ng pinatuyong dahon ng marijuana.

Kasalukuyang sumasailalim sa paglilitis ang 21-anyos na suspek, na residente rin ng Kibungan, Benguet.

Patuloy pang inaalam ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng driver ng sasakyan.
Ayon sa imbestigador, ito ang pinakamalaking halaga ng marijuana na kanilang nasamsam.

Samantala, nagbabala si Regional Director Francia sa publiko, lalo na sa mga kabataan, na huwag subukang gumamit ng anumang uri ng ilegal na droga.