BAGUIO CITY – Dinagsa ng libo-libong katao ang enggrandeng Grand Street Dancing Parade, isa sa highlights ng Panagbenga Festival sa lungsod ng Baguio, kaninang umaga.
Naggagandahan, makukulay at magagarbo ang damit ng mga participants mula sa iba’t-ibang probinsya ng Cordillera at karatig lugar.
Pito na grupo ang nagtagisan sa festival dance category.
Kabilang dito ang Baguio City National Highschool – Special program for the arts; ang Bitulok tribe street dancers mula Gabaldon Nueva Ecija; Bani Pakwan Festival ng Bani Pangasinan, Tribu Palayano ng Palayan City, Nueva Ecija; Tribu San Carlos, Kinaysan Street dancers ng San Carlos City, Nueva Ecija; ang Tribu Rizal ng Rizal, Kalinga at ang nagbabalik na Narvacan Naisangsangayan ng Narvacan, Ilocos Sur.
Samantala, inaabangan naman ang resulta ng drum and lyre competition mula sa anim na competing schools sa na kinabibilangan ng Baguio Central School, Apolinario Mabini, Lucban Elementary School, Manuel Roxas Elementary School,Tuba Elementary School at Jose P. Laurel Elementary School.
Sa kabilang dako, aabot sa mahigit 1,600 na enforcers at force multipliers ang naideploy sa iba’t-ibang strategic areas sa lungsod para magbantay sa daloy ng trapiko, crowd control at seguridad ng publiko.
Base naman sa monitoring ng medical team, may ilang indibidual na nahilo habang nanonood sa parada pero agad naman silang nabigyan ng medical assistance.
Kaugnay nito, inaasahan naman na mas marami pang bisita ang manonood sa grand floral float parade, bukas, araw ng linggo, kung saan ibat-ibang desinyo naman ng mga bulaklak ang matutunghayan dito.