
Kabayan, Benguet — Isang residente ang nasawi habang 104 katao ang inilikas at 157 pamilya ang naapektuhan sa bayan ng Kabayan, Benguet bunsod ng mga pag-ulan at pagguho ng lupa dulot ng Bagyong Uwan.
Ayon sa ulat ng Kabayan Emergency Operations Center (EOC), alas-3:15 ng madaling-araw, Nobyembre 10, 2025, nakatanggap sila ng impormasyon mula sa Barangay DRRMC hinggil sa isang pagguho ng lupa na tumama sa isang tirahan sa Sitio Tinaleb, Barangay Ballay.
Gayunman, nahirapan ang mga unang tumugon dahil hindi madaanan ang kalsada papunta sa lugar. Bandang alas-7:30 ng umaga lamang nang muling maging passable ang mga daan at agad na nakapagtungo sa lugar ang Incident Management Team (IMT) upang magsagawa ng pagsagip.
Kinilala ang nasawi na si Victoria P. Subli, 65 taong gulang. Ayon sa imbestigasyon, natabunan ng gumuhong lupa ang unang palapag ng bahay kung saan natutulog ang biktima.
Samantala, ayon sa tala ng EOC hanggang alas-5:00 ng hapon, Nobyembre 10, 29 pamilya o 100 indibidwal ang pansamantalang nanunuluyan sa mga bahay ng kanilang kamag-anak, habang isang pamilya na may apat na miyembro ang nailikas sa Bashoy Barangay Health Center.
Kabuuang 157 pamilya o 653 indibidwal mula sa mga Barangay Ballay at Eddet ang naiulat na naapektuhan ng Bagyong Uwan.
Ang lokal na pamahalaan ng Kabayan ay nagpapatuloy sa pagbibigay ng tulong at pagsasagawa ng assessment sa pinsalang idinulot ng bagyo.𝗜𝘀𝗮, 𝗽𝗮𝘁𝗮𝘆 𝘀𝗮 𝗽𝗮𝗴𝗴𝘂𝗵𝗼 𝗻𝗴 𝗹𝘂𝗽𝗮 𝘀𝗮 𝗞𝗮𝗯𝗮𝘆𝗮𝗻, 𝗕𝗲𝗻𝗴𝘂𝗲𝘁 𝗱𝗮𝗵𝗶𝗹 𝘀𝗮 𝗦𝘂𝗽𝗲𝗿 𝗧𝘆𝗽𝗵𝗼𝗼𝗻 𝗨𝘄𝗮𝗻








