Baguio City – Nilahukan ng mahigit 200 batang atleta mula sa iba’t ibang pampublikong paaralan sa Baguio City ang Baguio City Little League Baseball and Softball Clinic na ginanap sa Bonifacio Elementary School at Melvin Jones Ground kamakailan.
Layunin ng sports clinic na mahasa ang kasanayan ng mga kabataang manlalaro sa baseball at softball, kasabay ng pagbibigay sa kanila ng pagkakataong matuto mula sa mga beteranong coach at trainer.
Pinangunahan ni Patrick Santos ng La Salle Green Hills Manila ang grupo ng mga coach, kasama sina Dante Dela Calzada, Alfredo Olivares Jr., Deck De Leon, at ang dating miyembro ng Philippine National Team na si Christian Galedo.
Naging bahagi rin ng programa ang mga coach at umpire ng Department of Education, tulad nina Alejo Pacalso, Jackson Caya-os, Ramil Estioko, at Rafael Lapeña.
Sa pamamagitan ng kanilang malawak na kaalaman at karanasan, nabigyan ang mga batang atleta ng dagdag na gabay upang mapahusay ang kanilang laro.
Nagpakita rin ng suporta sa aktibidad ang La Salle Green Hills, DepEd Baguio, University of the Cordilleras Baseball and Softball Team and Alumni Players na pinamumunuan ni Dr. Danilo Cong-o, Baguio City Sports Office na pinamumunuan nina City Sports and Development Officer Honorio Yamoyam at Ely Rose D. Nazareno, Baguio City Summer Capital of the Philippines Little League, at mga coach ng DepEd Baguio Baseball and Softball.//Bombo Jordan Tablac
