TABUK CITY, Kalinga — Isang 17-anyos na estudyante ang nasawi matapos matabunan ng gumuhong lupa sa Brookside, Purok 6 Bulanao, Tabuk City nitong Miyerkules, Setyembre 3, 2025, sa gitna ng malakas na buhos ng ulan.
Batay sa salaysay ng ina ng biktima, kakapasok lamang ng kanyang anak sa silid matapos nilang kumain nang biglang gumuho ang lupa sa gilid ng kanilang tahanan. Dahil dito, natabunan ang ilang bahagi ng kanilang bahay.
Nakaligtas ang ina at isa pa niyang anak matapos makalabas ng bahay, subalit naiwan ang estudyante sa loob. Agad na humingi ng tulong ang pamilya sa mga awtoridad na agad ding rumesponde sa insidente.
Natagpuan ng mga rescuer ang katawan ng biktima ngunit wala na itong buhay.
Samantala, patuloy na pinapayuhan ng mga otoridad ang mga residente sa mga lugar na landslide-prone na maging mapagmatyag at agarang lumikas kung may banta ng pagguho ng lupa bunsod ng malakas na ulan.