--Ads--

Nag-uwi ng dalawang parangal ang 10-anyos na badminton player na si Marga Estelle B. Aguirre ng University of Baguio matapos makapagtapos bilang runner-up sa dalawang kategorya ng Victor Open Championship 2026 na ginanap noong Oktubre 16 hanggang 22.

Nakamit ni Aguirre ang ikalawang runner-up sa Under-11 Girls Singles at unang runner-up naman sa Under-11 Girls Doubles sa naturang internasyonal na torneo.

Bago ito, nagkamit din siya ng bronze medal sa Elementary Girls Singles ng Palarong Pambansa 2026.

Nasundan pa ang kanyang tagumpay sa Thailand, kung saan nag-uwi siya ng dalawang bronze medal sa Under-11 Girls Singles at Under-11 Girls Doubles ng YONEX-SINGHA-BAT-BTY Championship 2026 na ginanap sa Banthongyord Badminton School sa Bangkok noong Hunyo 19 hanggang 24.

Patuloy na ipinakikita ng batang atleta ang kanyang kakayahan sa badminton sa pamamagitan ng sunod-sunod na pagtatagumpay sa mga pambansa at internasyonal na kompetisyon.