LA TRINIDAD, BENGUET – Puspusan na ang paghahanda ng lokal na pamahalaan ng La Trinidad, Benguet sa nalalapit na selebrasyon ng Strawberry Festival sa susunod na buwan.
Inaabangan dito ang 10,000 na piraso ng strawberry cupcakes na ihahanda ng apat na baker at maibebenta sa publiko sa murang halaga.
Ayon kay La Trinidad Mayor Romeo Salda, ang libo-libong strawberry cupcakes na maitatambak sa Strawberry festival ay kapalit ng giant strawberry cake na taon-taon na hinahanda ng kanilang munisipyo.
Aniya, paghahandaan nila ang giant strawberry cake sa susunod na taon para masungkit muli nila ang Guiness World Record bilang World’s biggest Strawberry Cake o Largest Strawberry shortcake.
Matatandaan na nasungkit nila ang nasabing parangal noong Marso baente, dos mil kwatro matapos maitala ang 9,622.29 na timbang ng giant cake.
Ayon pa kay Salda, layunin ng Strawberry Festival na ipakilala sa buong bansa na ang Strawberry ang One Town, One Product ng kanilang munisipyo.
Samantala, maitatampok ang dalawampu’t isa (21) na Local Government Unit LED activities at sampung (10) Community Led Activities sa Strawberry Festival na magsisimula sa Marso a kwatro ng kasalukuyang taon.
Matutunghayan rin ang mga highlights ng strawberry festival sa Marso dise sais gaya ng Street Dancing Parade at Float Parade na lalahukan ng labing anim (16) na barangay.
Hindi rin mawawala ang Drum and Lyre na sasalihan ng walong paaralan at cultural dance competition na lalahukan naman ng sampung grupo.
Kaugnay nito, inaasahan si Senator Imee Marcos bilang pangunahing panauhin at ang mga sister cities ng munisipyo mula Malaysia, Indonesia, Japan at Guam.
Dahil dito, hinikayat ni Valred Olsim, Tourism Officer ng La Trinidad Benguet ang publiko na makiisa sa selebrasyon ng Strawberry Festival.
Ang Tema ngayong taon ay “La Trinidad: The Strawberry Capital of the Philippines.”