--Ads--

BAGUIO CITY – Maagang pinilahan ng mahigit isang libong katao ang mahigit labindalawang libong piraso ng strawberry cupcakes na tampok sa Strawberry Festival sa La Trinidad, Benguet kahapon.

Kada piraso ng strawberry cupcake ay naibenta sa halagang 40 pesos, aabot sa 240 pesos ang anim na piraso at 480 pesos naman ang labindalawang piraso.

Libre namang naipamigay ang isang daang piraso sa isang daang katao na nauna at maagang pumila para makakuha ng nasabing produkto.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Cristy Manaois, first time niyang makabili ng anim na strawberry cupcakes at para ito sa kanyang mga anak at apo.

Maliban sa libo-libong strawberry cupcakes, naitampok rin ang replica ng mga nakaraang Giant Strawberry cakes

Isa na rito ang Giant strawberry shortcake na nagawa noong 2004 kung saan nakamit ng La Trinidad, Benguet ang Guinness World Record bilang Largest Strawberry Shortcake matapos maitala ang mahigit 9,600 na timbang nito.

Matatandaan na taon-taon ay gumagawa ang lokal na gobyerno sa pamamagitan ng mga magagaling na bakers ng Giant strawberry cake bilang bahagi ng Strawberry Festival.

Subalit ngayong taon ay hindi sila nakagawa ng giant strawberry cake pero paghahandaan umano nila sa susunod na taon para makamit muli nila ang Guiness World Record na nasungkit nila noong 2004.

Ang tema ng Strawberry Festival ngayong taon ay La Trinidad: The Strawberry Capital of the Philippines.