--Ads--

15 kumpirmadong patay habang mahigit 30 ang sugatan sa pagkaasidente ng jeep sa Balbalan, Kalinga

BAGUIO CITY-Nagpapagaling sa pagamutan ang mga nasugatan habang nasa punerarya na ang 13 na nasawi sa pagkaaksidente ng isang jeep sa Dao-angan, Balbalan, Kalinga kaninang hapon.

Kinumpirma ni 1Lt. Cherry Ted Arcilla, Company Commander ng Alfa Company, 50 IB ng 5th ID na 13 ang nasawi sa nasabing aksidente habang tinatayang 39 ang mga nasugatan.

Gayunman, batay sa impormasyon, nabawian ng buhay sa pagamutan ang dalawa sa mga sugatan kaya’t umakyat sa 15 ang bilang ng mga patay.

Aniya, punong-puno ng pasahero ang nasabing jeep na tinatayang aabot sa 50 katao kung saan halos 30 sa mga ito ang nasa loob habang ang iba ay sumabit lamang.

Batay sa inisyal na impormasyon na nakalap ng mga awtoridad, nanggaling sa sentro ng bayan ang mga pasaherong senior citizen na kumuha ng kanilang benepisyo at nang pabalik na sila sa kanilang lugar ay nawalan ng preno ang jeep.

Nagresulta ito sa pagkakahulog ng sasakyan sa bangin na may lalim na halos 80 metro.

Kabilang sa mga kumpirmadong patay sina Willy Gamongan, Benjamin Badong, Isabel Bagne, Victorio Banglagan, Rosario Badong, Solidad Dammay, Agida Palangdao, Lolita Latawan, Elisa Dangiwan, Leolita Maday, Angelina Benito, Teresa Dulansi, at Annie Palicas na batay sa balita ay mga kapwa senior citizen.

Sa ngayon ay nakikipag ugnayan ang Bombo Radyo Baguio News Team para sa pagkakakilanlan ng mga nasugatan sa nasabing aksidente.