--Ads--

KABAYAN, BENGUET – Pahirapan ngayon ang pagresponde ng Bureau of Fire Protection – Kabayan sa mga insidente ng forest fire sa Kabayan, Benguet dahil pa rin sa kakulangan ng tubig na dulot ng El Niño Phenomenon.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni SFO4 Frederick Calama, Municipal Fire Marshall ng Kabayan, Benguet, nahihirapan silang apulahin ang mga sunog sa kagubatan dahil pa rin sa naturang hamon.

Ayon sa kanya, apat na forest fire ang naitala nilang ngayon taon.

Naitala sa Sitio Otbong, Anchukey, Kabayan ang pinakahuling insidente ng forest fire na nag-umpisa noong Pebrero baente kwatro na nagtagal hanggang kahapon, Pebrero baente siete.

Aniya, ito ang pinakamalawak na insidente ng forest fire na naitala nila ngayong taon dahil aabot sa 170 na ektarya ng kagubatan ang nasunog.

Umabot pa ang usok sa ilang bahagi ng Atok, Benguet partikular ang Northern Blossom Flower Farm, isa sa mga sikat na tourist destination sa nasabing munisipyo.

Gayunpaman, wala namang naitalang kabahayan na naapektuhan sa sunog ngunit binalaan ang residente at turista na magsuot ng face mask para maiwasan ang anumang sakit na maidudulot nito.

Samantala, nagsagawa ang Bureau of Fire Protection – Kabayan ng fire line para hindi mas lalong kumalat ang sunog dahil hindi ito kayang apulahin ng fire truck lamang.

Patuloy naman ang kanilang pakikipag-ugnayan sa ibat-ibang opisina ng Fire Station at Philippine Air Force para sa karagdagang pwersa at kagamitan sa pagresponde sa mga forest fire.

Base sa kanilang naunang imbestigasyon, kadalasan na nangyayari ang forest fire dahil sa paglalaro ng mga bata ng posporo at pagsisiga ng mga dahon.

Dahil dito, muling nagpanawagan ang Bureau of Fire Protection – Kabayan sa mga residente para hindi na masundan ang mga insidente ng forest fire.