BAGUIO CITY – Patay and dalawang sundalo at sugatan ang isa pa nang tambangan sila ng mga rebeldeng New Peoples Army (NPA) sa Barangay Gacab, Malibcong, Abra kaninang alas ocho ng umaga.
Sa exclusive interview ng Bombo Radyo Baguio, sinabi ni Cpt. Rigor Pamittan, spokesperson ng 5th Infantry Division ng Philippine Army na papunta sana ang mga sundalo sa Licuan-Baay para tumulong sa Disaster Response Operations sa mga biktima ng magnitude 6.4 na lindol nang sila ay tambangan ng mga miyembro ng Kilusang Larangang Guerilla-North Abrang ng New Peoples Army.
Sinabi pa nito na isang sundalo din ang unang naitalang nawawala matapos ang nasabing insidente pero makaraan ng ilang oras ay ligtas din itong nakabalik sa kanilang grupo.
Ayon pa kay Capt. Pamittan, patuloy pa ang pagkuha nila ng karagdagang impormasyon ukol sa nasabing pangyayari.
Patuloy naman ang hot-pursuit operation na sinasagawa ng mga otoridad laban sa mga rebelde.
Kinondena naman ni 24th Infantry Battalion Commander Lt. Col. Ricardo Garcia III kasama ang Police Regional Office Cordillera at Cordillera Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (CDRRMC) ang ginawa ng nasabing ‘Communist Terrorist Group’// Newsteam