ATOK, BENGUET – Patuloy ang isinasagawang search and rescue operation para sa isang 20-anyos na estudyanteng lalaki na naiulat na nalunod sa Amburayan River sa Barangay Naguey noong Agosto 5, 2025.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Atok Mayor Franklin Smith na walang tigil ang operasyon ng mga tauhan ng PNP, BFP, MDRRMO, local officials, at mga volunteers upang mahanap ang biktima.
Batay sa imbestigasyon, naligo sa ilog ang biktima kasama ang tatlo pang estudyante pasado alas-dose ng tanghali noong Agosto 5. Tumalon umano ito sa tubig at lumangoy, ngunit tinangay ng malakas na agos at hindi na muling nakita.
Pasado alas-singko ng hapon sa parehong araw, naiulat ang insidente sa Atok Municipal Police Station na agad namang nagsagawa ng search and rescue operation, katuwang ang BFP, MDRRMO, mga opisyal ng barangay, at mga volunteers.
Bilang paalala, muling nananawagan si Mayor Smith sa mga residente at mga bisita na sundin ang ipinalabas na executive order na nagbabawal sa anumang water recreational activities sa Atok kapag masama ang panahon.