--Ads--

Patay ang isang magsasaka matapos matabunan ng gumuhong lupa sa Bayoyo, Buyacaoan, Buguias, Benguet kahapon, Oktubre 24.

Nakilala ang biktima na si Jasper Jones D. Amoy, 24-anyos, mula sa Bay-o, Central, Kibungan, Benguet.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni PMaj. Lorenz Paul Claveria, Officer-In-Charge ng Buguias Municipal Police Station, na kasalukuyang nagtatrabaho ang biktima sa kanyang hardin nang biglang gumuho ang lupa.

Ayon kay PMaj. Claveria, hindi gaanong malakas ang ulan noong nangyari ang insidente, ngunit posible na lumambot ang lupa dahil sa tuloy-tuloy na pag-ulan.

Narekober ang katawan ng biktima at agad itong dinala sa ospital, ngunit idineklara ng attending physician na dead-on-arrival.

Wala namang ibang nasugatan sa pagguho ng lupa dahil nag-iisa ang biktima nang mangyari ang insidente.