Bombo Radyo Baguio

272 barangay sa rehiyon Cordillera, apektado ng bagyo at habagat; pinsala sa infra., aabot sa P2.76 bilyon

Aabot na sa 272 barangay sa Cordillera ang naapektuhan ng mga nagdaang bagyo at habagat, na may kabuuang 13,245 pamilya o 30,901 indibidwal.

Batay sa datos ng Office of Civil Defense (OCD) Cordillera, may 20 aktibong evacuation centers sa rehiyon na kasalukuyang nagsisilungan ng 106 pamilya o 397 indibidwal.

Samantala, 216 pamilya o 698 indibidwal ang pansamantalang nakituloy sa kanilang mga kaanak.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Engineer Jojo Valera ng OCD Cordillera, sinabi niyang batay sa inisyal na assessment, umaabot na sa mahigit P2.676 bilyon ang halaga ng pinsala sa imprastraktura.

Ayon kay Valera, patuloy namang naibibigay ang kinakailangang tulong sa mga lugar na naapektuhan.

Samantala, muling nagpaalala ang OCD sa publiko na unahin ang kaligtasan, lalo na sa mga lugar na patuloy na nakararanas ng masamang panahon.

Pinapayuhan din ang publiko na iwasang bumiyahe kung delikado ang kondisyon at manatili sa ligtas na lugar.

Giit ng OCD, iisa lamang ang buhay kaya huwag itong isugal. Mahalaga anila na makinig at sumunod sa mga abiso ng mga awtoridad upang maiwasang malagay sa panganib ang sarili at pamilya.

Exit mobile version