--Ads--

BAGUIO CITY – Iniimbestigahan ngayon ng Baguio City Police Office – Station 9 ang pagkakakilanlan ng mga magulang ng isang sanggol na iniwan sa harap ng isang bahay sa Purok 14, Cypress, Irisan, Baguio City kahapon.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay PCI Emannuel Nead, hepe ng nasabing himpilan ng puliysa, sinabi niya na ang nasabing sanggol ay isang lalaki, 3-day old at iniwan na nakabalot sa isang polo shirt at nakasuot din ng diaper.

Sinabi niya na pagkatapos makita ng may-ari ng nasabing bahay ang sanggol ay tinawagan niya agad ang kanilang purok leader na siyang nagdala sa baby sa pagamutan.

Sa ngayon ay nasa mabuti nang kalagayan ang sanggol at nasa kustodiya din ito ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Umapela naman si PCI Nead sa mga magulang ng baby na magtungo lamang sila sa kanilang himpilan at sasamahan nila ang mga ito sa DSWD.