--Ads--

BAGUIO CITY – Nasilbihan ng warrants of arrest ang tatlong negosyante dito sa Baguio City dahil sa pagkabigo ng mga itong tumupad sa Social Security System (SSS) Law.

Ayon kay Atty. Bleselda Acosta ng Legal Department ng SSS Northern Luzon 1 Cluster, nabigyan na ng kinakailangang babala mula sa kote ngunit nabigo pa rin ang mga ito na tumupad sa utos.

Aniya, nahaharap ang tatlong negosyante na nagmamay-ari ng mga establisimiyento sa kasong non-registration, non-remittance of contribution at non-production of employment records.

Batay sa warrants of arrest, ang mga subject ay mga nagmamay-ari ng food business, consultancy firm at computer rental shop kung saan nakilala ang mga ito na sina Cesar Lapid, Beatrice Ngolab at Francis Paco II.

Iginiit ni Atty. Acosta mahabang panahon ang naibay sa tatlo para tumupad sa SSS Law at hindi lang SSS Law ang linabag ng tatlong business owners kundi ang human rights dahil sa ilalim ng universal declaration of human rights ay entitled sa social security ang bawat kasapi ng lipunan.

Napag-alaman na sa rekord ng SSS Northern Luzon 1 Cluster, isa sa mga kaso ay naisampa pa noong 2014 habang ang isa ay noong 2016.

Posible aniyang makulong ng anim hanggang 20 taon ang mga nasabing violators ng SSS Law at mamumulta pa ang mga ito ng P5,000 hanggang P20,000 maliban pa sa parusa sa civil aspect ng kaso kung saan babayaran nila ang unpaid SSS contribution o remittances ng kanilang employee na may kasamang penalty na 2 percent per month.

Gayunman, hindi nahuli o nakaiwas sa pag-aresto ang tatlong negosyante dahil sila ay nasa labas ng bansa o kaya ay nasa ibang bahagi ng Luzon.

Samantala, aabot sa 137 na establishments sa Ilocos Norte, Ilocos Sur, Abra, La Union, at Benguet ang mahigpit na binabantayan ng SSS kung saan 30 na kaso ang isinampa laban sa ilan sa mga ito.

Binabantayan na rin ang ilang establishments dito sa Baguio City kung saan may ilang masasampahan ng paglabag sa SSS Law.