BAGUIO CITY – Huli ang tatlong turista matapos makumpiska sa kanila ang higit P720-K halaga ng marijuana leaves sa isinagawang operasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) – Ifugao at Provincial Drug Enforcement Unit – Ifugao PNP kamakalawa.
Kinilala ni PDEA – Cordillera regional director Edgar Apalla ang mga nahuling personalidad na sina Mike Galunio Montinola, 38, gym instructor, residente ng BF Homes, Paranaque City; Erickson Garlitos Estanislao, 40, residente ng BF Manresa, Paranaque City at si Michael Mercado Perez, 42, residente ng Rizal, Nueva Ecija.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang walong malalaking bungkos ng pinatuyong mga dahon ng marijuana at isang maliit na pakete ng pinatuyong mga dahon ng marijuana na nagkakahalaga ng P720,240.
Ayon kay Apalla, nakatanggap ng impormasyon ang mga operatiba mula sa isang concerned citizen ukol sa pagbiahe ng mga suspek ng marijuana sakay ng isang ranger mula Kalinga at dadaan ang mga ito sa lalawigan ng Ifugao.
Nadiskobre nila ang mga nasabing kontrabando sa loob ng sasakyan sa isinagawang visual inspection matapos maharang ang nasabing sasakyan na may plakang AAI 7195 sa kalsada sa Tam-an, Banaue, Ifugao.
Nagresulta ito sa paghuli ng mga otoridad sa mga suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at sa pag-impound sa ginamit na sasakyan.