--Ads--

BAGUIO CITY – Nasa 30% hanggang 40% mula sa 1.3 million households na itinuring na non-poor o hindi na mahirap ang posibleng hindi matanggal sa listahan mula sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ito ang inihayag ni DSWD Secretary Erwin Tulfo sa budget presentation ng DSWD sa proposed budget na P194 billion para sa taong 2023 sa House appropriations panel.

Aniya, ang naturang data ay base sa konsultasyon ng kagawaran sa mga grupo ng 4Ps beneficiaries.

Subalit, binigyang diin ni Tulfo na nagpapatuloy pa rin ang validation sa listahan ng 4Ps at isinasaalang-alang ang mga safety measure.

Saad pa ng kalihim na may apat na listahang pinagkukumpara ang ahensiya kabilang ang Listahan ng DSWD central office, ang 4ps beneficiaries, ang municipal link at ang National Household Targeting System (Listahanan) sa field para matiyak na hindi mawala sa listahan ang mga kwalipikadong benepisyaryo ng naturang programa.

Iginiit din ni Tulfo na ang pagtanggal sa listahan ng 4Ps beneficiaries ay hindi nangangahulugan na hindi na sila tutulungan ng gobyerno dahil ipapaalam muna sa mga ito na sila ay maalis na sa listahan at ito ay magiging epektibo makalipas ang ilang buwan.

Mayroon ding ilang mga programa na ibinibigay ang ahensiya gaya ng Sustainable Livelihood Program at AICS (Assistance to Individuals in Crisis Situations.