Patay ang isang 47-anyos na lalaki na residente ng munisipyo ng Tuba matapos matabunan ng gumuhong lupa.
Naganap ang insidente noong Enero 27 bandang alas-4:00 ng hapon, ngunit alas-9:55 na ng gabi nang maiulat ito sa Camp 1, Tuba, Benguet.
Ayon sa imbestigasyon, nagtungo ang biktima kasama ang kanyang anak na babae sa tabing-ilog malapit sa kanilang tahanan upang mag-gold panning. Habang nagsasagawa ng gold panning, bigla umanong gumuho ang itaas na bahagi ng lupa at tinamaan ang ama.
Ang anak ng biktima, na nasa mas mababang bahagi ng tabing-ilog, ay umakyat sa puwesto ng kanyang ama upang hanapin ang kanyang ama ngunit hindi na niya ito makita. Makalipas ang ilang minuto, nakarinig siya ng tunog mula sa gumuhong lupa.
Agad niya itong nilapitan at doon niya nakita ang kanyang ama. Humingi siya ng tulong sa mga kapitbahay at matagumpay na nahukay ang biktima, subalit idineklara itong dead on arrival bandang alas-9:00 ng gabi sa parehong araw.
Nagtamo ng maraming sugat sa katawan ang biktima. Hindi na siya isinailalim sa autopsy matapos paniwalaan ng pamilya na aksidente ang nangyari.
Sa ngayon, nasa Camp 1, Tuba, Benguet ang bangkay ng biktima. | via Bombo Noveh Organ









