BAGUIO CITY – Nagpapatuloy pa rin ang search, rescue and retrieval operations ng mga pulis, bombero at local responders para matagpuan ang batang tinangay ng tubig sa Ahin River sa Tinoc, Ifugao.
Nakilala ito na si Jaypee Martin Mat-an, 6, kindergarten pupil at residente ng Ahin, Tinoc, Ifugao.
Ayon sa report ng Office of Civil Defense-Cordillera, nagtungo ang bata kasama ang tatlo pa nitong kasamahan sa nasabing ilog para maligo bandang alas-dose ng tanghali hanggang ala-una ng hapon noong Agosto 2.
Tumayo ang biktima at ang mga kasama niya sa malaking bato ngunit bigla itong nadulas at nahulog sa ilog.
Tinangka naman ng mga kasama niya na iligtas ang biktima ngunit tinangay na ito ng agos ng tubig sa ilog.
Kinukumpirma pa ng DILG-Cordillera at DOH-Cordillera kung ang insidente ay may koneksiyon sa epekto ng nararanasang habagat o hindi.