--Ads--

BAGUIO CITY – Tinatayang aabot sa 6,500 na delegado ang lalahok sa 2024 Cordillera Administrative Region Athletic Association o CARAA meet (CARAA) na gaganapin sa probinsiya ng Apayao mula Abril 14 hanggang Abril 19 ng kasalukuyang taon.

Kabilang dito ang mga atleta, coaches, miyembro ng iba’t-ibang Schools Division Offices (SDOs), at Technical Working Groups (TWGs).

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Edgar Madlaing, Regional Sports Coordinator ng Department of Education – Cordillera, 600 hanggang 700 na delegado ang inaasahan mula sa bawat Schools Division.

Base sa opisyal na listahan, ang Apayao ang may pinakamataas na delegado na umaabot sa 768 habang ang probinsiya naman ng Abra ang may pinakamaliit na bilang na umaabot sa 595.

Ayon kay Madlaing, naglaan ang Central Office ng Department of Education ng P3-milyon na pundo para sa pagkain, transportasyon, at uniporme ng mga delegado.

Inaasahan rin ang karagdagang pondo mula sa opisina ng Regional Director ng Department of Education – Cordillera na nagkakahalaga ng P750,000.

Samantala, posibleng hindi magaganap ang mga outdoor games mula alas dies ng umaga hanggang alas tres ng hapon dahil pa rin sa sobrang init ng panahon na posibleng makasama sa kalusugan ng mga atleta.

Kaugnay nito, sinabi ni Madlaing na agad naman na maibibigay ang medalya at parangal sa mga mananalong atleta pagkatapos lamang ng kanilang laro habang sa closing program maibibigay ang parangal sa overall champion.

Matatandaan na napanatili ng Baguio City noong nakaraang taon ang kanilang titulo bilang consistent overall champion sa Cordillera Administrative Region Athletic Association o CARAA meet.

Ang mga mananalo naman na atleta ang magiging kinatawan ng rehiyon sa Palarong Pambansa ngayong taon.