Pito sa mga driver at konduktor sa Baguio City ang nagpositibo sa isinagawang surprise drug test bilang bahagi ng Oplan Ligtas Biyahe Pasko 2024 na pinangunahan ng Land Transportation Office (LTO) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kahapon.
Isasailalim ang mga nagpositibo sa confirmatory testing upang matiyak kung talagang gumagamit sila ng iligal na droga.
Sa kabuuan, 98 na driver at konduktor mula sa apat na bus terminal, kabilang ang Governor Pack Road terminal, ang sumailalim sa naturang drug test.
Ayon kay Atty. Joshua Pablito, Regional Director ng Department of Transportation-Cordillera, ang mga bus operator ng mga nagpositibo ay mabibigyan ng show cause order, habang ang mga driver at konduktor ay sasailalim sa kaukulang administratibong parusa kung mapapatunayang positibo sila sa iligal na droga.
Dagdag ni Atty. Pablito, layunin ng surprise drug test na masiguro ang kaligtasan ng publiko, lalo na’t karamihan ay bumabalik mula sa kanilang bakasyon.
Tatlong hakbang ang isinagawa sa drug test kabilang dito ang pagpirma sa consent form, pagkolekta ng ihi, at pagsulat sa registration sheet.
Sa panayam naman ng Bombo Radyo kay Norton Acop, isang bus driver, sinabi niyang mahalaga ang drug test upang matiyak na walang gumagamit ng iligal na droga, na posibleng magdulot ng aksidente.
Aminado siyang malaking hamon para sa mga driver ang puyat at pagod, kaya’t ang ilan ay natutuksong gumamit ng ipinagbabawal na gamot.
Gayunpaman, binigyang-diin ni Acop na dapat tiyakin ng mga driver na sapat ang kanilang pahinga upang maiwasan ang anumang insidente sa kalsada.//Bombo Noveh Organo