--Ads--

BAGUIO CITY – Naitala kaninang alas singko ng hapon ang 8 hanggang 9°C na temperatura sa Atok, Benguet, mas mataas ito kumpara sa 3 hanggang 5°C na naramdaman kaninang alas singko ng umaga, Enero 23, 2026.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Councilor Edward Haight, Chairman ng House Committee on Tourism, naranasan nila ang frost o andap dahil sa malamig na panahon.

Aniya, umaabot sa labing lima hanggang dalawampung ektarya ng lupain ang binalot ng frost sa kanilang bayan kaninang umaga.

Ayon pa kay Haight, may ilang pananim gaya ng repolyo, patatas, radish, at carrot na naapektuhan sa mga lugar na madalas tamaan ng andap, partikular sa bahagi ng Englandad, Paoay, Sitio Mosleng, at Cattubo.

Maliban dito, may kaunting mga pananim na bulaklak na naapektuhan, ngunit hindi naman naapektuhan ang Northern Blossom, kung saan matatagpuan ang malawak na taniman ng bulaklak, dahil ang lokasyon nito ay bihira lamang matamaan ng andap.

Nilinaw naman ni Haight na hindi araw-araw na nararanasan ang frost sa Atok, Benguet, dahil nakadepende ito sa kondisyon ng panahon.

Una nang sinabi ni Atok Mayor Franklin Smith na napaghandaan na nang mga magsasaka ang posibleng epekto ng frost sa kanilang mga pananim dahil taon-taon itong nararanasan sa kanilang lugar.

Samantala, inihayag ni Haight na dahil sa bumababang temperatura sa kanilang lugar, marami ring turista ang dumadagsa upang maranasan ang malamig na panahon.

Sa katunayan, nagsimula umano ang pagdami ng turista noong Disyembre 22 ng nakaraang taon hanggang sa kasalukuyan, lalo na tuwing Biyernes hanggang Lunes.

Kasunod nito, pinaalalahanan ni Haight ang mga bisita na magsuot ng makakapal na damit at iwasan ang maninipis upang maiwasan ang sakit na maaaring makuha sa malamig na panahon.