--Ads--

BAGUIO CITY – Brutal na pinatay ang isang walong taong gulang na bata na natagpuan na lamang ang bangkay sa damuhan malapit sa main parking area ng Old City Library sa Jose Abad Santos, Baguio City kahapon.

Napag-alaman na Grade 2 pupil sa Roxal Elementary School sa nasabing lungsod ang naturang biktima.

Ayon kay PCI Francisco Cacas, station commander ng BCPO Station 5, basag ang ulo at mukha ng bata nang madatnan daw nila ang bangkay nito.

Inimbestigahan din ng mga pulis sa ngayon kung bakit walang suot nadamit pantaas ang bata at nakababa pa ang suot nitong pantalon.

Sinabi ni Cacas na habang inaayos ang bangkay ng bata ay agad namang nahuli raw ang suspek malapit sa crime scene makaraang itinuro ito ng ilang testigo na ito raw ang huling nakita sa lugar.

Nakilala ang suspek na ni Andy Durya, 26-anyos, tubong Pangasinan, at kaibigan ng ama ng biktima.

Batay sa record ng mga pulis, nahaharap ang suspek sa ilang kaso ng robbery at theft.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo sa nasabing suspek, iginiit nitong nagawa lamang ang krimen bilang paghihiganti raw sa kaibigan, na siyang ama ng biktima, dahil daw sa panloloko nito sa kanya.

Inamin ng suspek na kapwa sila magnanakaw ng ama ng biktima at may mga pagkakataon na hindi ibinibigay ang tamang hati nila sa mga ninanakaw daw nila.

Minsan na rin daw siyang saksakin ng ama ng biktima kaya itinuon na lamang daw nito ang kanyang paghihiganti sa pinaslang na bata.

Sa kabila nito, humihingi ng kapatawaran ang suspek sa pamilya ng biktima.