Nagdadalamhati ang buong Kalinga community sa pagkasawi ng isa sa kanilang mandirigma, si Major Jude Salang-oy, isa sa mga piloto na nasawi sa pagbagsak ng FA-50 fighter jet sa Mt. Kalatungan, Bukidnon.
Si Salang-oy ay tubong Taloctoc, Tanudan, Kalinga, at may iniwang asawa at anak.
Bukod kay Major Salang-oy, nasawi rin ang kanyang co-pilot na si First Lieutenant AJ Dadulla, na taga-Bukidnon, at mayroon ding naiwang fiancée.
Parehong nagtapos sina Major Salang-oy at 1LT. Dadulla sa Philippine Military Academy at Philippine Air Force Officer Candidate School.
Ayon sa ulat, isinagawa nila ang isang midnight operation noong Marso 4 upang suportahan ang tropa ng militar laban sa Communist Terrorist Group – New People’s Army.
Ngunit sa kanilang pagbabalik sa Cebu, nawala ang komunikasyon sa kanilang sasakyang panghimpapawid hanggang sa natagpuan ang bumagsak na FA-50 fighter jet sa Mt. Kalatungan, Bukidnon noong Marso 5.
Patuloy na ipinapaabot ng mga kasundaluhan, pamilya, at buong bayan ang kanilang pagkilala at paggalang kina Salang-oy at Dadulla, bilang mga bayaning nag-alay ng kanilang buhay para sa bansa.