--Ads--

Tiniyak ng kapulisan ang seguridad ng mga botante sa lalawigan ng Abra sagitna ng sunod-sunod na pamamaril habang papalapit ang halalan.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni PLTCOL. Daniel Pel-ey, Information Officer ng Abra Police Provincial Office, may 280 na karagdagang pulis mula sa ibat-ibang unit ng pulisya na nakadeploy sa iba’t-ibang lugar sa Abra.

Bukod dito, inaasahan din ang pagdating ng karagdagang pwersa mula sa Philippine Army, gayundin ang mga election observers mula sa European Union na magbabantay sa mismong araw ng halalan.

Ayon kay Pel-ey, may ilang residente ang nangangamba at nag-aatubiling bumoto dahil sa mga insidente ng karahasan kung saan 30 ang naitalang insidente ng pamamaril at anim sa mga ito ay may kinalaman sa eleksyon.

Gayunman, tiniyak niyang naka-full force ang mga awtoridad upang mapanatili ang seguridad sa buong probinsya.

Dagdag pa niya, may mga pulis na rin umanong itinalaga upang magbantay sa mga election paraphernalia na gagamitin sa halalan.

Muli rin siyang nanawagan sa publiko na agad ipagbigay-alam sa mga kinauukulan ang anumang kahina-hinalang kilos upang agad itong matugunan.

Hinimok din niya ang mga kandidato na sumunod sa mga itinakdang alituntunin ng Commission on Elections upang matiyak ang mapayapa at maayos na halalan mula umpisa hanggang matapos ang bilangan.