Tiniyak ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na hindi pinahihintulutan ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas ang anumang anyo ng pang-aabuso, hazing, o pagmamaltrato sa loob ng kanilang hanay at mga institusyon ng pagsasanay.
Ito ay kasunod ng umano’y pagmamaltrato sa mga kadete sa loob ng Philippine Military Academy.
Ayon kay Armed Forces of the Philippines spokesperson Col. Francel Margareth Padilla, lubos aniya nilang sinusuportahan ang pagpapatupad ng Anti-Hazing Act of 2018 at nananatiling nakatuon sa pagtataguyod ng mga karapatan, kapakanan, at dignidad ng bawat kadete at tauhan na nasa ilalim ng kanilang pangangalaga.
Maipapaalalang sa imbestigasion ng Baguio City Police, ang biktima ay isang 4th class cadet at nakaranas umano ng pisikal na pang-aabuso at kahihiyan sa ilang pagkakataon mula Setyembre 2 hanggang Setyembre 29, noong nakaraang taon.
Inilarawan ng biktima ang pang-aabuso bilang “animalistic tripping,” na kinabibilangan ng umano’y pambubugbog at labis na pagsasanay.
Dahil dito, naospital ang kadete sa Quezon City matapos mawalan ng malay dahil sa matinding pinsala kung saan siya sumasailalim sa medical at psychological treatment.
Nakalabas ang biktima sa ospital noon lamang Hunyo trenta ng kasalukuyang taon.
Ayon naman sa panayam ng Bombo Radyo Baguio kay Jesse Nestor Saludo, Chief-Public Affairs Office ng Philippine Military Academy, ang insidente ay hindi itinuturing na hazing dahil hindi ito nasasakupan ng legal na kahulugan ng Anti-Hazing Act.
Ipinaliwanag niya na ang mga pinsalang natamo ng biktima ay dulot umano ng mga aksyon ng kanyang mga kaklase na nagpahayag ng kanilang pagkadismaya sa performance nito.
Gayunpaman, naghihintay pa rin ang Philippine Military Academy ng pormal na reklamo at ulat mula sa pulisya.
Una nang kinumpirma ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na sinuspindi na ang dalawang kadete ng Philippine Military Academy dahil sa umano’y pagkakasangkot nila sa insidente ng hazing.