--Ads--

BAGUIO CITY— Umabot na sa tatlong katao ang nasawi habang patuloy pa ring hinahanap ang ilan pang nawawala sa lungsod ng Baguio at probinsiya ng Benguet dahil sa masamang panahong dulot ng habagat.

Sa Baguio City, kinumpirma ang pagkasawi ng isang Grade 7 student mula Barangay Cresencia Village.

Ayon kay Barangay Captain Leonidad Boragay sa panayam ng Bombo Radyo, posibleng nadulas ang bata at nahulog sa kanal habang pauwi matapos masuspinde ang klase.

Natagpuan na lamang ang bata sa kanal at bagamat sinubukang isalba ng isang concerned citizen, idineklarang wala nang buhay.

Samantala, nagpapatuloy naman ang search and rescue operations para sa isang 35-anyos na lalaki na nalunod sa ilog sa bahagi ng Kias, Baguio City.

Sa Benguet naman, dalawang empleyado ng Provincial Engineering Office ang nasawi matapos mahulog sa bangin ang kanilang sinasakyang loader.

Kinilala ang mga biktima na sina Redentor Roldan at Rex Gayang, na magsasagawa sana ng clearing operation sa gumuhong bahagi ng lupa sa Lower Kesbeng, Poblacion, La Trinidad.

Bukod sa kanila, nawawala rin hanggang ngayon si Nardo Cariño, 68-anyos na magsasaka, matapos matabunan ng gumuhong lupa noong Hulyo 24 sa Talinguroy, Wangal, La Trinidad.

Sa kabila ng mga insidente, inihayag ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong na hindi pa kailangang ideklara ang State of Calamity sa lungsod dahil walang major damage na naitala.

Ngunit sa La Trinidad, Benguet, opisyal nang isinailalim sa State of Calamity ang buong munisipyo dahil sa matinding pinsala sa imprastruktura at agrikultura na dulot ng mga bagyong Crising, Dante, at Emong, pati na rin ang patuloy na pananalasa ng habagat.

Ayon sa paunang pagtataya ng Municipal Agriculture Office at MDRRMO, umabot sa ₱10.7 milyon ang pinsala sa imprastruktura habang nasa ₱17.6 milyon naman sa agrikultura.

Ayon kay Mayor Roderick Awingan, agarang kinakailangan ang deklarasyon upang matugunan ang pangangailangan ng mga naapektuhan ng sunod-sunod na sakuna.///Bombo News Team