--Ads--

Naniniwala ang isang election officer mula sa Commission on Elections (COMELEC) na ang mababang bilang ng mga indibidwal na nagparehistro sa Cordillera Administrative Region, lalo na sa lalawigan ng Abra, ay dulot ng posibleng pagpirma ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagpapaliban sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa Agosto 12.


Sa panayam ng Bombo Radyo kay Atty. Gustavo Fernandez Dalen, Election Officer ng Bangued, Abra, sinabi niyang malaki ang epekto sa posibleng pagpirma ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagpapaliban ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections, na nakatakda sanang isagawa sa Disyembre ngayong taon.


Sinabi ni Atty. Dalen na sana ay inanunsyo na lamang ni Chairman Garcia ang nasabing bagay pagkatapos na malagdaan ni Pangulong Marcos Jr. ang pagpapaliban ng eleksyon ngayong taon.


Batay sa datos, ang Cordillera Administrative Region ang may pinakamababang bilang ng mga nagparehistro, na umabot lamang sa 12,987.
Mula sa nasabing bilang, sampu hanggang labing limang katao lamang ang nagparehistro sa Bangued, Abra mula nang magsimula ang voter’s registration.



Sa kabila nito, sinabi ni Atty. Dalen na patuloy ang proseso ng pagpaparehistro sa iba’t ibang bahagi ng Abra, at nakatakda nilang bisitahin ang Abra Provincial Jail at Abra National High School.


Puntirya nilang maabot ang limang daan hanggang isang libong indibidwal na mairehistro sa Bangued bago magtapos ang voter’s registration sa Linggo, Agosto 10.


Matatandaan na inihayag ni COMELEC Chairman Garcia na inaasahang lalagdaan ni Pangulong Marcos Jr. sa Agosto 12 ang panukalang batas na nagpapaliban sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections, pati na ang pagbabago sa termino ng mga mahahalal na opisyal.


Gayunpaman, sinabi ng naturang opisyal na magpapatuloy pa rin ang voter registration at ilang mga procurement ng mga ballot boxes at folders.


Sa ngayon, patuloy na tumatanggap ng aplikasyon para sa voter registration, na nagsimula noong Agosto 1 at matatapos sa Agosto 10, 2025.