--Ads--

Tatangkain ni reigning One Strawweight World Champion Joshua Pacio na masungkit ang Flyweight Championship belt sa kanyang susunod na laban kontra kay reigning ONE flyweight world champion Yuya “Little Piranha” Wakamatsu na gaganapin sa Nobyembre disi sais sa Ariake Arena, Tokyo, Japan.

Sa panayam ng Bombo Radyo, inamin ni Pacio na isa itong hamon para sa kanya dahil hindi magiging madali ang kanyang kalaban na si Wakamatsu ng Japan.


Ayon sa kanya, bagong challenge ito sa kanyang Mixed Martial Arts career dahil aakyat siya sa weight division.


Aakyat ng kategorya si Pacio mula strawweight papuntang flyweight para harapin ang kasalukuyang kampeon na si Wakamatsu. Kung magwawagi ito, siya ang magiging kauna-unahang Pilipinong two-division world champion sa kasaysayan ng ONE Championship.

Ibinahagi ni Pacio na ang kanyang magiging coach para sa kanyang nakatakdang laban ay sina Professor Gibran Langbayan, Edward Folayang, Danny Kingad, at iba pa.

Kasalukuyang naghahanda si Pacio sa ilalim ng Lions Nation Mixed Martial Arts sa Baguio City, habang ang kanyang kampo ay abala sa pag-aaral ng istilo ng kanyang kalaban para lalo pang makamit ang kanyang makasaysayang tagumpay.

Samantala, ipinangako kamakailan lamang ni Wakamatsu na gagawing madali para sa ONE strawweight world champion na si Joshua Pacio sa pagharap nila sa loob ng ring sa ONE 173 sa Nobyembre.

Ipinahayag niya na hindi niya hahayaang matatalo ito sa kanilang laban.

Ayon kay Wakamatsu, ang belt na hawak niya ngayon ay kanyang ipinaglaban, at ito ay bunga ng kanyang dedikasyon kaya hindi niya ito bibitawan.

Nangako siyang ipagtatanggol ang belt at patunayan ang halaga ng isang tunay na kampeon.

Nag-debut si Wakamtsu noong taong 2018 laban sa teammate ni Pacio na si Danny Kingad na natalo sa pamamagitan ng unanimous decision.

Makalipas ang isang taon, nanalo siyang muli laban sa dating kampeon na si Geje Eustaquio sa isang mall sa Pilipinas.

Ngayong taon lamang, nakamit ni Wakamatsu ang kanyang matagal nang pangarap sa pamamagitan ng pag-agaw sa flyweight world title sa pamamagitan ng first-round TKO laban sa dating kampeon na si Adriano Moraes.