Baguio City- Naniniwala ang isang basketball player mula dito sa Baguio City sa kanyang kakayahan at talento para makuha sa maisasagawang Philippine Basketball Association Rookie Draft bukas sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Sa panayam ng Bombo Radyo Baguio kay Claude Leymark Camit, maganda ang kanyang pinakita sa isinagawang Philippine Basketball Association Draft Combine kung saan aabot sa 126 draft applicants ang nagpakitang gilas sa ibat-ibang drills at work outs.
Ayon pa sa baente singko-anyos na basketbolista, magiging bentahe niya sa ibang manlalaro ay ang kanyang naging malawak na karanasan sa paglalaro ng ibat ibang liga tulad ng paglahok niya sa Vietnam Basketball League kung saan natanghal pa siyang Most Valuable Player o MVP.
Naglaro na din ito bilang guard sa koponan ng Mindoro Tammaraws sa Maharlika Pilipinas Basketball League at nagkampeon din sa Dubai International Cup at Sibugay Cup bilang player ng Zambaonga Valientes.
Dagdag pa ng Five foot ten na shooting guard na kuntento siya sa ipinamalas niyang performance sa workout sa isang koponan ng Philippine Basketball Association na nag-imbita sa kanya.
Si Camit ay tubo ng Baguio City na naglaro sa Team Baguio sa Palarong Pambansa at dating varsity player ng University of Baguio.