Iginiit ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong na mananatili siya sa kanyang puwesto bilang Alkalde ng lungsod, taliwas sa mga kumakalat na maling impormasyon sa social media na siya umano’y magreresign.
Sa panayam ng Bombo Radyo, nilinaw ng alkalde na siya ay isang halal na opisyal na patuloy na nakatuon sa paglilingkod sa mga residente ng Baguio.
Binigyang-diin din ni Mayor Magalong na hindi maaapektuhan ang kanyang mandato bilang Alkalde, sa kabila ng kanyang pagkakatalaga bilang Special Adviser at Investigator ng Independent Commission of Infrastructure na tututok sa imbestigasyon ng mga maanomalyang flood control projects sa bansa.
Giit pa niya, nananatiling pangunahing prayoridad ang Baguio City. At kung kinakailangang umalis ng lungsod, pansamantalang hahalili bilang Officer-in-Charge ang vice mayor na si Faustino Atiwag Olowan.
Tinataya naman na tatlong araw sa isang linggo ay wala siya sa Baguio oras na magsimula ang imbestigasyon.
Matatandaan na kahapon ay nanawagan ang ilang labor group, kabilang na ang Nagkaisa Labor Coalition, na magbitiw na si Mayor Magalong upang makapagpokus sa kanyang bagong papel.
Gayunman, una nang binigyang-diin ni Magalong sa panayam ng Bombo Radyo ang kanyang buong commitment bilang Alkalde ng Baguio, habang katuwang naman siyang tutulong sa imbestigasyon ng maanomalyang flood control projects sa bansa.