Kinumpirma ng mga awtoridad na lima na indibidwal ang nasawi matapos ang pagguho ng lupa dulot ng hagupit ng Super Typhoon Uwan hanggang sa kasalukuyan.
Unang naitala ang insidente ng pagkasawi kahapon, Nobyembre 9, matapos matabunan ng gumuhong lupa at bumagsak na mga puno ang isang magsasaka habang natutulog sa kanyang shanty na malapit sa kanyang hardin.
Dalawang indibidwal din ang nasawi habang dalawa pa ang pinaghahanap sa Western Uma, Lubuagan, Kalinga ngayong araw, Nobyembre 10, matapos ang pagguho ng lupa na dulot din ng Super Typhoon Uwan.
Nakilala ang mga nasawi bilang sina Eric Magwin at Aki Magwin, habang patuloy na hinahanap ang dalawa nilang kasamahan na sina Kagawad Redento Tino at Ricardo Magwin.
Naitala rin ang pagkasawi ng isang 57-anyos na lalaki sa Latang, Barlig, Mountain Province at isang residente sa Ballay, Kabayan, Benguet matapos silang matabunan ng landslide bandang alas-3 ng madaling-araw ngayong Nobyembre 10.
Kasalukuyan namang bineberipika ng mga awtoridad ang dalawang casualty na naitala sa Buguias, Benguet, at tinitingnan kung may iba pang hindi pa naitatalang nasawi o nasugatan.
Maliban dito, nasira rin ang ilang kabahayan sa rehiyon, partikular sa mga lalawigan ng Kalinga at Mountain Province.
Nawasak din ang dalawang silid-aralan sa Lubo Elementary School sa Tanudan, Kalinga, matapos umapaw ang Tanudan River, habang limang paaralan naman sa Mountain Province ang nagtamo ng pinsala dahil sa malakas na ulan na dala ni Super Typhoon Uwan.
Ilang sasakyan na nakaparada sa Samoki, Bontoc, Mountain Province ang natabunan ng putik at bato dulot ng mud at rock slides.
Hindi rin madaanan ang ilang kalsada at tulay sa iba’t ibang bahagi ng Cordillera Administrative Region dahil sa pagguho ng lupa at pagbagsak ng mga puno.
Daan-daang residente rin sa Cordillera ang napilitang lumikas dahil sa patuloy na pagguho ng lupa at pagbaha. Tiniyak naman ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na may sapat na tulong na ipagkakaloob sa mga apektadong pamilya.
Samantala, nananatiling may malawakang power interruption sa lungsod ng Baguio at lalawigan ng Benguet dahil sa mga natumba at nasirang poste ng kuryente dulot ng malakas na hangin kagabi hanggang sa kasalukuyan.
Bilang tugon, nag-alok ang lokal na pamahalaan, ilang ahensiya ng gobyerno, at mga pribadong establisimyento ng libreng charging stations at temporary shelters para sa mga apektadong residente.
Sa kasalukuyan, patuloy pa ring nararanasan sa Baguio City at Benguet Province ang pabugso-bugsong pag-ulan na may kasamang malalakas na hangin.
Dahil dito, muling nagpaalala ang Baguio City Police Office (BCPO) sa publiko na iwasang lumabas kung hindi kinakailangan upang makaiwas sa kapahamakan na maaaring idulot ng Super Typhoon Uwan.








