--Ads--

Ipinaliwanag ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong ang nangyari kay dating DPWH Undersecretary Maria Catalina Cabral kahapon, na ayon din sa driver ni Cabral na si Cardo Hernandez.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Mayor Magalong, sinabi niyang nanggaling umano sila sa Metro Manila at patungo sa Baguio City.

Sa biyahe, hiniling ni Cabral na huminto muna sila sa bahagi ng Bued River sa Kennon Road, Tuba, Benguet para makalanghap ng sariwang hangin. Ngunit nang makita sila ng naka-duty na pulis, sinita umano ang mga ito at nagpasyang dumiretso na sa Baguio City.

Kumain umano ang mga ito sa lungsod bago nagpasyang bumalik muli ang mga ito. Hindi na nasabi kung ano ang tunay na pakay ng dalawa sa lungsod.

Nabanggit din ng driver kay Mayor Magalong na nanlibre pa umano sila sa isang costumer ng ION Hotel bago sila bumaba ng lungsod.

Tinanong rin ni Magalong ang driver kung ano ang kalagayan o hitsura ni Cabral bago sila umalis at aniya ay “in good mood” ang dating opisyal.

Sa pagbabalik nila, muling nagpasya si Cabral na huminto muna sa kaparehong lugar at pinayuhan ang kanyang driver na pwede itong umalis sa nasabing lugar at para hindi ulit sila makita ng mga pulis na naka-duty.

Umalis naman ang driver at nagtungo sa malapit na gasolinahan mula sa kinaroroonan ni Cabral.

Makalipas ang ilang oras, bumalik ang driver kung saan niya iniwan si Cabral ngunit hinid niya makita ang dating opisial. Nilibot pa umano ng driver ang paligid at tinignan ang bangin pero wala siyang makita.

Agad na nagpasya ang drayber na bumalik sa Baguio City sa pag-aakalang maaaring bumalik siya at may kinausap.

Gayunpaman, hindi niya ito nakita kaya dumeretso siya sa Viewdeck Police Station 8 ng Baguio City Police Office para ireport ang nangyari.

Bandang alas-8:00 ng gabi ng araw ding iyon, natagpuan si Cabral sa pampang ng ilog.

Ayon kay Magalong, nahirapan pa umano ang mga rumespondeng awtoridad dahil sa lalim ng pagkahulog ni Cabral na aabot sa 20 hanggan 30 metro.

Nang tanungin kung personal na kilala ni Magalong si Cabral, sinabi nitong ilang beses na silang nagkita sa ilang okasyon, at nagkita na din sila habang adviser pa ito ng ICI kung saan, isa ito sa mga inimbestigahan dahil sa maanomalyang flood control projects.

Sa ngayon, nasa kostodiya ng pulisya ang driver at posibleng iimbestigahin pa ito para sa karagdagang impormasyon. Hinalughog din ang sasakyan ni Cabral ngunit wala itong nakitang kaduda-duda.