--Ads--

Baguio City – Humihingi ng pag-unawa sa publiko si Dr. Jaime Rodrigo Leal, dating hepe ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ng Baguio City Police Office, kung bakit tila tikom ang bibig at hindi nagbibigay ng anumang pahayag ang Police Regional Office–Cordillera kaugnay ng pagkamatay ng dating DPWH Undersecretary na si Cathy Cabral.

Ayon sa retiradong opisyal ng PNP, itinuturing na high-profile case ang pagkasawi ni Cabral kaya masusing isinasagawa ang pagkalap ng impormasyon at ang imbestigasyon ng mga forensic expert ng kapulisan sa lugar kung saan natagpuang wala nang buhay ang opisyal, kabilang ang kwartong kanyang tinuluyan.

Dagdag pa ni Dr. Leal, isang mahaba at maselang proseso ang isinasagawang DNA at autopsy analysis sa katawan ng biktima na maaaring umabot ng halos tatlong linggo bago mailabas ang resulta.

Isa rin umanong komplikadong gawain para sa mga SOCO personnel ang isinagawang crime scene reconstruction sa Kennon Road dahil masusing sinusuri ang lahat ng posibleng anggulo, mula bago pumanaw ang biktima hanggang sa madiskubre ang kanyang katawan.

Dahil dito, nananawagan si Dr. Leal sa publiko na manatiling kalmado at iwasang magbigay ng anumang reaksiyon o espekulasyon, sapagkat tanging ang PNP at mga kinauukulang awtoridad lamang ang maaaring magbigay ng opisyal na update sa nasabing kaso.

Matatandaan na ilang ulit nang sinubukan ng Bombo Radyo na makuha ang panig ng mga matataas na opisyal ng kapulisan sa Cordillera kaugnay sa mga bagong development sa kaso ni Cabral.

Gayunman, paulit-ulit ding tumatanggi ang mga ito at sinabing hintayin na lamang ang opisyal na pahayag ng PNP Chief at ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla.

Samantala, epektibo kahapon, inanunsiyo ng Provincial Director ng Benguet Police Provincial Office (PPO) na si Police Colonel Lambert Alban Suerte na siya ay pansamantalang magli-leave sa tungkulin dahil sa medical reason.

Si PCol. Suerte ay una nang na-relieve sa puwesto noong Disyembre 19, kasama ang Acting Chief of Police ng Tuba Municipal Police Station na si Police Major Peter Camsol Jr., kaugnay umano ng mishandling sa kaso ni Cabral.

Noong Disyembre 20, naglabas naman ng pahayag ang Police Regional Office–Cordillera na nanatili sa puwesto si PCol. Suerte matapos niyang makumbinsi ang pamilya ni Cabral na sumailalim sa autopsy ang mga labi ng dating opisyal.

Dahil sa kanyang medical leave, itinalaga si Police Colonel Ledon Damoslog Monte bilang Officer-in-Charge (OIC) ng Benguet Police Provincial Office.