Itinaas ng Baguio Flower Festival Foundation, Inc. ang mga papremyo para sa mga mananalo sa Grand Floral Float Parade, isa sa mga pangunahing tampok ng Panagbenga Festival sa Baguio City.
Ayon kay Anthony De Leon, Chairman ng Executive Committee ng Baguio Flower Festival Foundation, Inc. (BFFFI), mula sa ₱600,000 na premyo noong nakaraang taon, itinaas ito sa ₱1 milyon para sa champion sa large category ng Grand Floral Float Parade.
Bagama’t hindi aniya garantisadong patuloy pang tataas ang premyo sa mga susunod na taon, tiniyak naman niyang mapapanatili ito ng organisasyon.
Samantala, inilabas na rin ng committee ang iba’t ibang aktibidad na dapat abangan sa pagdiriwang ng ika-tatlumpung anibersaryo ng Panagbenga Festival na opisyal na magbubukas sa Pebrero 1 at magtatapos sa Marso 8.
Kabilang na dito ang Grand Street Dancing Parade at Grand Float Parade, na nakatakda sa Pebrero 28 at Marso 1.
Ang tema ngayong taon ay “Blooming Without End,” bilang paggunita sa tatlong dekadang pagtutulungan ng lokal na pamahalaan, ng Baguio Flower Festival Foundation, Inc., at ng mga residente ng Baguio sa pagdiriwang ng Panagbenga Festival.
Inilarawan naman ni Mayor Benjamin B. Magalong ang Panagbenga Festival bilang simbolo ng katatagan at patuloy na pagbabago ng lungsod ng Baguio.
Samantala, pinaalalahanan ni Baguio City Congressman at kasalukuyang “Chairman for Life” ng Baguio Flower Festival Foundation, Inc., Mauricio Domogan, ang publiko na sa kabila ng pag-usbong ng Panagbenga bilang isang world-class na kaganapan, hindi dapat makalimutan ang simple at makasaysayang pinagmulan nito.
Matatandaan na unang ipinagdiwang ang Panagbenga Festival noong 1996 matapos ang mapaminsalang Lindol sa Luzon noong 1990. Ayon sa ideya ng yumaong abogado na si Damaso E. Bangaoet Jr., layunin ng pagdiriwang na buhayin ang turismo at ekonomiya ng lungsod at tulungan itong makabangon mula sa trahedya.









