Inihayag ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong na dapat matagal nang nagbitiw sa puwesto si Department of Health (DOH) Secretary Teodoro “Ted” Herbosa dahil sa umano’y katiwalian sa loob ng ahensya.
Sa panayam ng Bombo Radyo, kinuwestiyon ng alkalde ang kakulangan ng mga gamot, ang patuloy na pagbili ng overpriced na gamot, at ang pagkaantala sa paghahatid ng mga ito sa mga lokal na pamahalaan, kabilang ang Baguio General Hospital and Medical Center.
Idiniin ni Mayor Magalong na dapat imbestigahan ng Commission on Audit (COA) hindi lamang ang DOH kundi maging ang mismong kalihim ng ahensya kaugnay ng mga isyung ito. Dagdag pa niya, nais niyang maimbestigahan ang pamamahagi ng mga malapit nang mag-expire na gamot sa mga pribadong klinika.
Naniniwala rin si Magalong na batid na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang nangyayari sa loob ng ahensya.
Matatandaan na kinontra at tinawag ni Mayor Magalong na sinungaling si Health Secretary Herbosa matapos nitong ihayag na ang mga DOH hospitals, partikular sa mga pangunahing akomodasyon, ay hindi umaasa sa mga guarantee letters. Ayon sa alkalde, patuloy pa ring nagbibigay ang lokal na gobyerno ng guarantee letters hindi lamang sa Baguio City kundi sa ibang lugar upang matiyak ang serbisyo para sa mga pasyente.
Kaugnay nito, naglabas ng pahayag si Presidential Communications Undersecretary Claire Castro, na ayon sa kanya, kailangang “manalamin” upang malaman kung sino ang nagsisinungaling. Bagama’t walang direktang binanggit na pangalan si Castro, naniniwala si Mayor Magalong na siya ang tinutukoy.
Iginiit naman ng alkalde na nagtataka siya kung bakit si Undersecretary Castro ang sumasagot sa isyu gayong wala umano itong sapat na kaalaman sa aktuwal na sitwasyon sa mga ospital at sa DOH.











