--Ads--

Iniimbestigahan ng Bureau of Fire Protection–Baguio ang naganap na sunog sa tanggapan ng Department of Public Works and Highways–Cordillera Administrative Region (DPWH-CAR) sa Engineers Hill, Baguio City, bandang alas-5 ng hapon kahapon, Enero 14.

Ayon kay Fire Superintendent Mark Anthony Dangatan, City Fire Marshal ng BFP–Baguio, agad na naapula ang apoy at idineklara ang fire out bago mag-alas-6 ng gabi.

Sa paunang imbestigasyon, nagsimula ang sunog sa storage room sa basement ng gusali. Isa sa mga tinitingnang posibleng sanhi ng mga awtoridad ay ang mga Christmas decoration, partikular ang mga Christmas lights.

Batay sa ulat ng mga empleyado ng DPWH-Cordillera, umabot lamang ang insidente sa unang fire alarm level.

Samantala, sa opisyal na pahayag ng DPWH, tinatayang halos dalawang metro kuwadrado lamang ng silid ang naapektuhan ng sunog at ang lugar ay kasalukuyang fully secured.

Walang naiulat na nasugatan sa insidente.

Patuloy ang pakikipag-ugnayan ng mga awtoridad sa Bureau of Fire Protection at sa lokal na pamahalaan ng Baguio City para sa mas malalim na imbestigasyon sa sanhi ng sunog. Binabantayan naman ng mga tauhan ng Baguio City Police Office (BCPO) ang lugar ng insidente.

Samantala, nagpapatuloy ang pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Baguio sa mga awtoridad para sa karagdagang detalye, bagamat sa kasalukuyan ay tumanggi munang magbigay ng pahayag ang ilan sa kanila.