Nagkomento si KM Party-list Representative Kenneth Terreng hinggil sa Free Trade Agreement (FTA).
Ayon sa kanya, isa sa mga disadvantage ng paglahok ng gobyerno sa mga free trade agreement ay ang pagdagsa ng mga imported na gulay, tulad ng carrots na naging viral noong panahon ng Yuletide season.
Paliwanag ng mambabatas, may kakulangan o gap sa maayos na pamamahagi ng supply at pagtutugma nito sa demand, dahilan upang pumasok ang maraming imported na produkto. Gayunman, sa pamamagitan ng supply and demand matching, kahit may mga imported na gulay, maaari pa ring maibenta ng mga lokal na magsasaka ang kanilang sariling ani sa loob ng bansa.
Ibinahagi rin ng opisyal na batay sa mga ulat na kanilang natatanggap, mas mataas ang presyo ng mga gulay sa La Union at iba pang pamilihan kumpara sa presyo sa trading post.
Bilang posibleng solusyon, iminungkahi ni Terreng na pag-aralan ang mas maayos na pamamahagi ng supply ng gulay sa rehiyon ng Cordillera.
Dagdag pa niya, upang matugunan ang mababang presyo ng mga gulay, kinakailangang pagbutihin ang database ng supply at demand production. Makakatulong umano ito sa mga magsasaka upang malaman kung saang lugar pinakamainam idirekta ang kanilang mga produkto.
Kaugnay nito, sinabi ng opisyal na masusing aaralin kung saan may mga gaps o lapses sa mga umiiral na batas upang matukoy kung ano ang dapat idagdag o amyendahan. Layunin nitong makahanap ng paraan kung paano mai-regulate o mapigilan ang biglaang pagbaba ng presyo ng mga gulay, na makikinabang ang mga magsasaka.
Sinabi rin ni Terreng na naipasa na ang Agriculture Reformation System Bill at ito ay kasalukuyang pinag-aaralan para sa mas epektibong implementasyon. | via Bombo Noveh Organo










