--Ads--

BAGUIO CITY — Inaasahan na kikita ang Baguio City ng P6 milyon kada buwan mula sa koleksyon ng parking fees at renta mula sa mga leaseholder sa Maharlika Livelihood Complex.

Ito ang inihayag ni City Treasurer Alex Cabarrubias sa regular na sesyon ng Baguio City Council.

Ayon sa kanya, kapag icompute ang P6 milyong buwanang kita, aabot ito sa P72 milyon kada taon, isang malaking pagtaas kumpara sa dating P500,000 na taunang renta na ibinabayad ng Human Settlements Development Corporation o HSDC sa lungsod.

Ayon kay City Treasurer Alex Cabarrubias, sa ilalim ng pamamahala ng lungsod, nagsimula ang koleksyon ng renta sa Maharlika Livelihood Complex noong Hunyo 20, 2025, na sumasaklaw sa anim na buwang koleksyon hanggang sa kasalukuyan. Aniya, mula sa P6 milyong buwanang koleksyon, P2.5 milyon ang inilaan para sa operasyon at maintenance, habang ang natitirang kita ay mapupunta sa MLC Special Fund.

Sinabi rin ni Cabarrubias na ang aktwal na gross collections mula Hunyo hanggang sa kasalukuyan mula sa renta ay umabot sa P59,448,865, kasama na ang one-month advance payment at two-month deposit ng mga leaseholder. Samantala, ang kita mula sa parking fees ay umabot sa P7,151,438, na may average na P30,000 kada araw.

Ipinaliwanag niya rin na kumikita rin ang lungsod mula sa business taxes at permit fees, ngunit ang mga ito ay napupunta sa general fund at hindi eksklusibong para sa MLC.

Samantala, ayon kay Atty. Leticia Clemente, City Budget Officer at Chairperson ng MLC Transition Coordinating Committee, dapat ituring ang Maharlika Livelihood Complex bilang hiwalay na local economic enterprise, katulad ng Center Mall.

Upang masiguro ang ganitong pamamahala, naghahanda ang mga opisyal ng lungsod ng ordinansa na magtatakda sa MLC bilang economic enterprise ng pamahalaang lungsod. Layunin ng panukala na mailagay ang pasilidad sa malinaw na governance at management structure upang masiguro ang sustainability, transparency, at accountability sa operasyon nito.

Sa ilalim ng panukalang ordinansa na inihain ni Councilor Jose Molintas, magkakaroon ng Board of Directors na pamumunuan ng City Mayor at bubuuin ng City Vice Mayor, City Treasurer, isang kinatawan mula sa Sangguniang Panlungsod, mga kinatawan mula sa iba’t ibang sektor ng lokal na negosyo, at isang kinatawan mula sa Department of Agriculture.

Magkakaroon din ng General Manager na mamamahala sa araw-araw na operasyon ng complex, ipatutupad ang mga polisiya ng board, at mag-uulat ng regular na performance at financial reports.

Bukod dito, itatatag ang isang Oversight Committee na binubuo ng mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod at kinatawan mula sa City Planning Development and Sustainability Office at Department of Agriculture upang tiyakin ang pagsunod sa mga polisiya at magsagawa ng independent monitoring ng operasyon.

Sa aspeto ng pamamahala ng kita, itinatakda ng ordinansa na ang renta, parking fees, at iba pang kita mula sa MLC ay ilalagay sa isang special fund na eksklusibo para sa pasilidad. Ang pondong ito ay gagamitin lamang para sa suweldo, operasyon, maintenance, at iba pang gastusin na direktang may kaugnayan sa MLC, at lahat ng transaksyon ay sasailalim sa regular audit.

Sa kasalukuyan, ang panukalang ordinansa ay nasa Committee on Laws and Governance ng Baguio City Council para sa karagdagang pagsusuri.