--Ads--

Iniutos ang isang masusing imbestigasyon kaugnay ng naganap na aksidente sa Camp John Hay, Baguio City kahapon.

Sa isang pahayag, sinabi ni John Hay Management Corporation (JHMC) President at Chief Executive Officer Manjit Singh Reandi na kinakailangan ang komprehensibong pagsusuri upang matukoy ang mga sanhi at pananagutan sa insidente.

Ang aksidente ay nagresulta sa pagkamatay ng isang senior citizen at pagkasugat ng apat na iba pa matapos umanong, sa hindi pa malamang dahilan, ay lumihis mula sa lane nito ang isang BCDA electric bus at mabangga ang mga dumaraang pedestrian sa Scout Hill Road sa loob ng Camp John Hay.

Kasalukuyang nakakulong ang driver ng bus na si Johny Algayan Dumanni Jr., 55 taong gulang, residente ng Ucab, Itogon, Benguet. Posible siyang maharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide at Multiple Physical Injuries.

Agad namang rumesponde ang mga emergency personnel at nagbigay ng paunang lunas sa mga nasugatan, na isinugod sa ospital at kasalukuyang ginagamot.

Kinilala ang nasawi na si Rowena Andrion, 68 taong gulang, na binawian ng buhay sa mismong lugar ng insidente. Samantala, kinilala naman ang mga nasugatan na sina Susan Robles, Jessica Dacpano, Angelica Castro, at Levy Serrano Pacleb.

Samantala, inaasahang maglalabas ng opisyal at pangkalahatang pahayag ang JHMC sa pangunguna ni Reandi matapos makumpleto ang imbestigasyon sa naturang insidente.