Halos 100 gramo ng hinihinalang shabu at mahigit 200 kilo ng marijuana, na may tinatayang Standard Drug Price na aabot sa ₱50 milyon, ang nasabat ng mga awtoridad sa serye ng anti-illegal drug operations sa Cordillera region.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay kay Patrolman Ysrael Rard-Jay Butale ng Demand Reduction and Education Office–Drug Enforcement Group, Special Operations Unit–Cordillera, halos tatlumpung anti-illegal drug operations ang isinagawa sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon, kabilang ang Baguio City.
Mula sa mga operasyong ito, humigit-kumulang dalawampung indibidwal na sangkot sa ilegal na droga ang naaresto. Tinatayang limampung porsiyento sa mga ito ay itinuturing na mga “repeat offender.” Ang pinakabatang naaresto ay nasa edad na 20, pawang mga nasa hustong gulang at walang naitalang menor de edad na sangkot sa mga operasyon.
Karamihan sa mga operasyon ay isinagawa sa Baguio City at lalawigan ng Benguet.
Pansamantalang inilagay sa kustodiya ng mga awtoridad ang mga nasabat na ilegal na droga bilang ebidensya habang patuloy ang paghahain ng kaso at pagdinig laban sa mga suspek.
Samantala, dalawang indibidwal ang naaresto sa pinakahuling anti-illegal drug operation na isinagawa sa Barangay Holy Ghost Extension, Baguio City ngayong taon. Nasamsam sa kanila ang humigit-kumulang 14 gramo ng hinihinalang shabu at mga tuyong dahon ng marijuana na may kabuuang halagang tinatayang ₱99,000.










