--Ads--

Iminumungkahi ng isang opisyal ng Baguio City ang Senior Citizen Death Benefit Assistance Ordinance sa Baguio City Council bilang pagkilala sa mga senior citizen at upang magbigay ng suporta sa kanilang mga naiwang pamilya.

Sa ilalim ng panukala, magkakaloob ng ₱15,000 na death benefit assistance sa mga kwalipikadong benepisyaryo sa Baguio City. Mayroon ding karagdagang ₱5,000 na burial assistance para sa mga beteranong militar, na layong makatulong sa mga gastusin sa burol at libing.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Baguio City Councilor Leandro Yangot Jr. na nabuo ang ideya ng panukala matapos niyang makilala si Itogon Mayor Bernard S. Waclin sa isang libing sa munisipyo.

Ayon kay Yangot, ibinahagi ni Mayor Waclin na may programa ang kanilang lokal na pamahalaan na nagbibigay ng tulong sa mga pamilya ng mga pumanaw, kabilang ang pamamahagi ng tig-dalawang sako ng tig-25 kilo ng bigas.

Dahil dito, sinabi ni Yangot na maaari ring ipatupad ang kahalintulad na programa sa Baguio City, lalo na’t may sapat namang pondo ang lokal na pamahalaan.