--Ads--

Nasasabik na ang lalawigan ng Benguet sa muling pagho-host ng Cordillera Administrative Region Athletic Association (CARAA) Meet.

Ayon kay Benguet Governor Melchor Diclas, sinabi niyang muling magho-host ang probinsiya ng pinakamalaking sports event sa rehiyon. Matagumpay namang naisagawa ng Benguet ang CARAA Meet noong nakaraang taon.

Tiniyak ng gobernador na mahigpit silang makikipagtulungan sa Department of Education – Cordillera, mga municipal local government units, at iba pang ahensya ng gobyerno at pribadong sektor upang matiyak ang kahandaan ng billeting schools para sa mga atleta at technical officials, pati na rin ang mga playground, game schedules, at iba pang detalye.

Mananatiling playing venue ng CARAA Meet ang Benguet Sports Complex sa Wangal, La Trinidad, Benguet.

Samantala, nanawagan si Diclas sa mga taga-Benguet na ipakita ang kanilang suporta para sa isa pang matagumpay na pagho-host ng CARAA.

Noong nakaraang taon, ipinakita ng probinsiya ang mainit at magiliw na pagtanggap sa mga delegado mula sa mga lalawigan ng Abra, Apayao, Ifugao, Kalinga, Mountain Province, at Benguet, gayundin sa mga lungsod ng Baguio at Tabuk, sa isang linggong sports event.