--Ads--

BAGUIO CITY – Iniimbestigahan ng Bureau of Fire Protection (BFP) – Baguio ang sunog sa isang warehouse sa Maya Street, Dizon Subdivision, Baguio City, na naitala pasado alas-onse ng umaga ngayong araw, Enero 22, 2023.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Roger Valdez, bandang 11:50 a.m. nila napansin ang usok mula sa loob ng warehouse at agad niya itong iniulat sa BFP. Naideklara ang sunog na under control bandang 12:37 p.m., at fire out naman ito alas-12:52 p.m.

Aabot sa sampung fire truck kabilang ang mga water delivery truck ang tumulong sa pag-apula sa sunog.

Ayon kay Denise Labita, may-ari ng warehouse, nakatambak sa nasunog na warehouse ang mga brand-new machines tulad ng generators, farm machinery, at iba pang kagamitan. Tinaya niya na aabot sa humigit-kumulang ₱10 milyon ang pinsala sa mga nasunog na makina, ngunit kanilang ibeberipika pa sa inventory.

Aniya, sampung taon na ang kanilang warehouse at walang flammable materials sa loob. Walang nakatira sa warehouse, subalit may nagbabantay dito tuwing gabi.

Sa inisyal na imbestigasyon, may dalawang babae umano na nakitang naninigarilyo sa tabi ng warehouse bago ang sunog, subalit kasalukuyang iniimbestigahan at kinukumpirma pa ng mga awtoridad.

Humihiling naman ng kaukulang tulong ang may-ari, lalo na’t malaki ang pinsala na dulot ng sunog.// via Bombo Jerwin Aquino