
Inihayag ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong na walang kaduda-duda na nagpakamatay si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Maria Catalina Cabral.
“Talagang nagpakamatay siya. There’s no doubt about it; it’s a suicide incident and definitely that’s Usec. Cabral,” ani Magalong.
Sa isang press briefing, sinabi ng alkalde na kung may mga interesado sa pagkamatay ni Cabral ay isa na siya doon.
“If anyone is interested dito kay Cabral, isa na ako doon kasi noong 2019, may mga experiences na ako sa kanya,” dagdag niya.
Ayon kay Magalong, mayroon siyang mga karanasan kay Cabral na may kinalaman sa mga anomalya. Binanggit niya na nagbibigay siya kay Cabral ng mga report tungkol sa mga ito noong 2019, ngunit hindi umano ito sinasagot.
“Pati sa mga anomalies, kinonfront ko siya. ‘Why is it that I gave you a lot of reports and you never responded, you never replied? You promised in 2019 na kung may nakikita akong kuwan, I can get in touch with you, pero hindi mo ako sinasagot,’” ani Magalong.
Ayon sa alkalde, diretsong kinumpronta niya si Cabral tungkol sa hindi pagsagot sa mga ulat na may kinalaman sa mga anomalya.
Matatandaan na noong Disyembre 18, 2025 ay natagpuang wala nang buhay si dating DPWH Undersecretary Cabral sa bangin sa Tuba, Benguet.








