--Ads--

Mahigit tatlong milyong pisong halaga ng marijuana ang nadiskubre at agad na sinunog ng mga awtoridad sa lalawigan ng Benguet noong ika-26 ng Enero, 2026.

Ayon sa Police Regional Office Cordillera o PRO CAR, natuklasan ang kabuuang labing-apat na plantasyon ng marijuana sa mga bayan ng Bakun, Kapangan, at Kibungan. Dito, umabot sa 15,370 fully grown marijuana plants ang narekober na may tinatayang Standard Drug Price na ₱3,074,000.00.

Isinagawa ang operasyon ng pinagsanib na puwersa ng Kibungan, Bakun, at Kapangan Municipal Police Stations, katuwang ang 1st at 2nd Benguet Provincial Mobile Force Companies, Provincial Drug Enforcement Unit at Provincial Intelligence Unit ng Benguet Police Provincial Office, Regional Intelligence Division ng PRO CAR, at Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA-CAR.

Matapos ang operasyon, agad na binunot at sinunog ang lahat ng nadiskubreng marijuana plants, habang ang ilang samples ay dinala sa Regional Forensic Unit–CAR para sa kaukulang pagsusuri.

Samantala, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy at mapanagot ang mga responsable sa pagtatanim ng nasabing ilegal na droga. Ayon sa PRO CAR, magpapatuloy ang kanilang operasyon bilang bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa ilegal na droga sa Cordillera.