--Ads--

Tiniyak ng Baguio City Police Office (BCPO) na patuloy nilang ipatutupad ang mga security program bilang paghahanda sa pagdating ng malaking bilang ng mga bisita at turista sa isang buwang pagdiriwang ng Panagbenga Festival.

Ayon kay Police Colonel Ruel Tagel, City Director ng BCPO, hindi dapat mabahala ang publiko sa inaasahang dagsa ng tao sa mga pangunahing aktibidad ng Baguio Flower Festival dahil paiigtingin ang police visibility sa mga lugar na pagdarausan ng mga aktibidad.

Dagdag pa ng opisyal, mapapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa mga nasabing lugar sa pamamagitan ng aktibong pakikilahok at kooperasyon ng publiko.

Hinimok din niya ang mga bisitang makikilahok sa Panagbenga Festival na sumunod sa mga lokal na ordinansa ng Baguio City upang maiwasan ang paglabag at kaukulang multa.

Pinayuhan din ang publiko na manatiling updated sa mga bagong alituntunin o guidelines na ipalalabas ng lokal na pamahalaan upang maging maayos at ligtas ang kanilang pagbisita sa Baguio City.