Iminumungkahi sa Baguio City Council ang pagpapatupad ng isang business one-stop shop system upang mapadali ang paghahatid ng mga serbisyong pampubliko, partikular ang pagbabayad at pag-renew ng business permit sa bawat distrito.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Baguio City Councilor Atty. Edison Bilog na layunin ng panukala na mabawasan ang abala sa mga nagbabayad ng buwis na may malaking ambag sa kita ng lungsod. Ayon sa kanya, karaniwang humahaba ang pila sa City Hall, lalo na tuwing panahon ng pag-renew ng business permit, na nagdudulot ng pagkaantala at pagsasayang ng oras ng mga residente.
Iminungkahi rin ni Bilog na ang mga tauhan mula sa mga kinauukulang tanggapan ay magtungo mismo sa mga distrito upang mas mapabilis at mapadali ang proseso ng pagkuha at pag-renew ng business permit.
Dagdag pa niya, ipinatutupad na ang ganitong sistema sa ibang bahagi ng bansa, kaya’t panahon na rin para isaalang-alang at ipatupad ito sa Baguio City.











