--Ads--

Kinumpirma ni Baguio City Councilor Atty. Edison Bilog na siya ang pangunahing may-akda ng panukala para sa pagtaas ng suweldo ng mga Traffic Management Aides sa City Engineering Office – Transportation and Traffic Management Division (CEO-TTMD).

Ayon kay Bilog, na siyang Chairman ng Committee on Employment, Livelihood, and Cooperatives, mababa ang kasalukuyang suweldo ng mga aides, na katumbas lamang ng isang utility worker. Ngunit mas mahirap ang kanilang trabaho dahil nagsisimula sila ng alas-7 ng umaga, anuman ang panahon—mainit man o maaraw.

Binigyang-diin ng konsehal na nararapat lamang na mabigyan ng tamang kompensasyon ang mga aides para sa kanilang serbisyo.

Kaya naman, ayon sa panukalang ordinansa, tataas ang kanilang sahod mula Salary Grade 3 o humigit-kumulang P13,000, hanggang Salary Grade 5 o humigit-kumulang P15,000. Lahat ng posisyon ng Traffic Management Aides sa ilalim ng CEO-TTMD ay makikinabang sa dagdag na sahod kapag naging epektibo na ang ordinansa.